Undas na naman at wika nga sa Inggles, all roads lead to the cemetery sa panahong ito upang alalahanin sa pananalangin habang nagtutulos ng kandila, naglalagay ng bulaklak ang mga pamilya at angkan sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Siyempre, mayroon ding salu-salo doon sa sementeryo habang ang iba naman ay nagtitipon sa kolumbaryo upang gayon din, ipanalangin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay na isinaabo ang mga labi o pina-cremate.
Mula sa wikang Latin, langit o “sky” ang columbarium habang ang ossuary na halos katulad nito ay libingan naman ng mga buto ng yumao na mula din sa Latin, os o buto kaya yaong sakit sa buto ay osteoporosis kung tawagin. Ang ating kataga na sementeryo o cemetery sa Inggles ay nagmula din sa wikang Latin na hiniram sa Griyego, cemeterion na kahulugan ay “dormitoryo”. Malinaw sa mga katagang gamit sa libingan noon pa man ay nagpapahiwatig ng buhay na walang hanggan na siyang ating tunay na hantungan sa pagwawakas ng buhay sa lupang ibabaw.