Ina, nakatanggap ng P50 na burial assistance mula sa isang LGU para sa pumanaw niyang anak sa Bukidnon?
Doble ang naging pasakit ng isang ina matapos na P50 lamang umano ang kaniyang natanggap na burial assistance mula sa kanilang lokal na pamahalaan para sa pumanaw niyang PWD na anak sa San Fernando, Bukidnon. Ang lokal n
By JAMIL SANTOS,GMA News··183K reads
Ina, nakatanggap ng P50 na burial assistance mula sa isang LGU para sa pumanaw niyang anak sa Bukidnon?
Doble ang naging pasakit ng isang ina matapos na P50 lamang umano ang kaniyang natanggap na burial assistance mula sa kanilang lokal na pamahalaan para sa pumanaw niyang PWD na anak sa San Fernando, Bukidnon. Ang lokal na pamahalaan, nagpaliwanag. Alamin.
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, itinampok ang inang si Robie Ondil, na namatayan ng 14-anyos niyang anak na person with Disability (PWD) na si Kenneth halos dalawang buwan ang nakararaan.
Ayon kay Robie, Setyembre nang mag-umpisang mag-iba umano ang kilos ni Kenneth, nang hindi na ito kumakain at unti-unting nagsusuka ng dugo. Hindi na rin ito makabangon.
Dinala na nila sa ospital ang kaniyang anak, at binawian ng buhay noong Setyembre 30 dahil sa acute respiratory failure at severe malnutrition.
“Sobrang sakit. Iniisip kong ayoko ng mawala 'yung bata kahit patay na siya. Gusto ko nandiyan pa rin,” sabi ni Robie.
Gayunman, wala nang oras magluksa si Robie dahil kailangan niyang asikasuhin ang lamay at libing ng anak. Sinisingil sila ng punerarya ng P17,000 para sa kabaong pa lamang at pag-embalsamo. Iba pa ang gastos sa barong na isusuot ni Kenneth, sa litrato na ilalagay sa kabaong, bulaklak at ang lapida.
Upang mabayaran ang P17,000 na utang sa punerarya, nagtungo si Robie sa DSWD o sa Department of Social Welfare and Development.
“'Yung naibigay po natin is through guarantee letter amounting to P17,000. Ang basis po ng pagbibigay po natin ng amount is doon po sa assessment ng social worker. According po doon sa service provider, 'yung remaining P10,000 po is sinagot po ng LGU Valencia,” sabi ni Nicoh Carlo Lequin, Social Welfare and Development Officer ng DSWD Valencia, Bukidnon.
Ngunit walang nitso ang libingan ni Kenneth na nakabaon sa ilalim ng lupa. Wala rin itong palatandaan, dahil walang nakalagay na lapida.
Kalaunan, may nakapagsabi sa kaniya na nagbibigay ng P2,000 na burial assistance para sa pamilya ng mga namatay na PWD ang local government unit o LGU ng bayan ng San Fernando.
Una silang nagpunta sa persons with Disability Affairs Office.
“Sabi nila walang pondo. Balik ka na lang. Bumalik po kami nung November 12. ‘Ay ma'am, wala pa namang budget ma'am.’ ‘Papaano 'yan?’ Nanlumo ako. Pumunta daw kami sa opisina ni Mayor. May staff na kumuha ng papel namin. Sabi niya, ‘Pumila ka sa labas.’ So pumila kami. Nag-antay kami dalawang oras. Nu’ng time na ‘yun wala kaming kahit piso,” kuwento niya.
Laking gulat ni Robie nang P50 lang ang inabot sa kaniya.
“‘Manoy ito lang 'yung nakadikit sa papel na dala natin.’ Sabi ko, ‘Bakit 'yung iba P200, P300, P400 'yung binigay? Tapos bakit 'yung sa akin P50 lang?’ Nanliit po ako sa sarili ko tapos paano ko ipapasimento 'yung libingan ng anak ko?”
“Hindi kasya 'yung 'yung P50 na panggasolina. Sa mahal ng bilihin. Pambili lang ng candy ganu’n,” sabi ni Reynald, kapatid ni Robie.
“Sana hindi na lang binigay. Parang kung gaano kalaki 'yung halagang binigay, parang ganu’n din kaliit 'yung pagkatao,” sabi ni Ruth Bonghanoy, kapatid ni Robie.
Paliwanag ng LGU ng San Fernando
Nagpaunlak ng panayam ang pamunuan ng LGU ng San Fernando.
“Hindi galing sa fund ng LGU ang P50,” sabi ni Atty. Jacob Caipang, LGU Administrator.
“Ang nangyari, pumunta sila sa legislative building kung saan may session na nangyayari. Parang doon nanggaling 'yung P50. Parang solicitation ang naibigay sa kanila. Hindi fund from the LGU. 'Yung binibigay ng LGU nagkakahalaga ito ng at least P1,000 or more depende sa pangangailangan,” sabi ni Caipang.
“Sa taong ito, ang nakuha namin ng budget ay P2 million plus po kasama na rin po diyan 'yung burial assistance,” paliwanag naman ni Engr. Vinsil Mauring, Administrative Officer-PDAO Designate.
Gayunman, naubos na nilang ipamahagi ang budget noong Setyembre pa lamang.
“Minsan kalahating taon ubos na. Lalo na sa namin dito, marami kaming mga indigent dito,” sabi ni Mayor Rogelio Yeke ng San Fernando, Bukidnon.
“‘Pag sa akin lumalapit magbigay man ako talaga kung mayroon pang budget. Kung wala nang budget sa akin ang personal, ibibigay ko na,” sabi pa ni Yeke.
“Hindi po basta-bastang makakuha tayo ng pera sa ibang programa kasi nga naka-code ‘yan sa budget namin. So ang ginagawa namin nagre-request po kami ng budget augmentation,” sabi ni Mauring.
Inihayag din nila na hindi cash ang prayoridad nilang iniaabot para sa burial assistance. Mas inuuna nilang ibigay ang kabaong at ibang basic funeral services tulad ng pag-embalsamo.
“Meron kaming memorandum of agreement sa isang private na institusyon para ma-assist 'yung mga kababayan natin na namatay,” sabi in Caiping.
“Kung may makukuha kaming learnings, ito 'yung mas magandang komunikasyon sa bawat isa,” dagdag ni Caiping.
Free Funeral Service Act
Naisabatas na nito lamang nakaraang taon ang Republic Act number 12309 o ang Free Funeral Service Act, na naglalayong maalis ang gastusin ng mga pamilyang walang kakayahang magbayad ng pampalibing sa kanilang namatay na mahal sa buhay.
“The DSWD is now finalizing the operational guidelines para ma-implement itong free funeral services. kasama na diyan 'yung casket, kasama na diyan 'yung lamay hanggang doon sa libing,” sabi ni Asec. Irene Dumlao, DSWD spokesperson.
“Kung hindi lang sana ako mahirap, hindi ako magpapakapal ng mukha na manghingi sa ibang tao. Kung kaya kong ipasemento 'yung libingan ng anak ko, ginawa ko na lang po sana,” sabi ni Robie.
Samantala, sinagot na ng KMJS ang pagpapagawa ng lapida, at nagpaabot ng tulong pinansiyal sa pamilya ni Robie para maipasemento ang libingan ni Kenneth.—FRJ GMA News