Malapitang pinagbabaril at pinatay ng isang lalaki ang isang 32-anyos na babae sa Lapu-lapu City, Cebu. Ang biktima, nagawa pang makatakbo pero nadapa at inabutan ng salarin.
Sa ulat ni Lou Anne Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, makikita sa CCTV camera sa Barangay Basak na nakaupo ang biktima sa tricycle na nakaparada noong Linggo na tila may hinihintay.
Kasama ng biktima ang nagmamaneho ng tricycle, at ilang minuto pa ang lumipas ay isang lalaki na nakatakip ang mukha ang dumating.