Isang driver ang nasawi at tatlo ang nasugatan sa banggaan ng isang van at isang sport utility vehicle sa Alicia, Isabela.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nasawi ang driver ng van na bumangga sa likod ng SUV sa national highway sa bahagi ng Barangay Burgos nitong Linggo ng umaga.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sumenyas umano ang SUV na liliko sa kaliwa pero mabilis umano ang takbo ng kasunod na van at bumangga sa kanilang likuran.
Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang harapan ng van at naipit ang nasawing driver. Nakasakay din sa van ang tatlong nasugatan.