Posibleng dumaan sa dagdag na proseso at mas mahabang paghihintay ang mga Filipino nurse at physical therapist na nag-aaplay para makakuha ng green card sa Amerika sa ilalim ng mga iminungkahing pagbabago sa permanent labor certification program o mas kilala bilang PERM.
Sa 107-pahinang panukalang inilathala sa Federal Register, nais ng US Department of Labor na palawakin ang mga rekisito sa recruitment na kailangang sundin ng mga employer bago sila makapag-sponsor ng mga dayuhang manggagawa para sa permanenteng paninirahan sa US—tulad ng mga Pinoy.