Sa “The Atom Araullo Specials,” ipinakita ang hirap na pinagdadaanan ng mga Pilipino na kapos sa pera para tustusan ang gastusan sa kanilang pagpapagamot o ng mga taong mahal nila sa buhay. Nagtitiis sila sa mahabang pila, natutulog sa gilid ng daan upang makahingi ng “ayuda” o tulong sa ilang ahensiya ng gobyerno gaya ng Department of Social Welfare Development (DSWD). Pero sulit naman kaya? Alamin.
Pakay ng mga taong pumipila sa isang satellite office ng DSWD at maging sa “Suporta sa Bayan” desk sa Kamara de Representante, parehong nasa Quezon City, ang makakuha ng Guarantee Letter o GL. Isa itong papel na mistulang “tseke” na nagsasaad ng halaga ng tulong na makukuha, at siyang ibibigay bilang pambayad sa ospital kung saan nakaratay ang pasyente.